TULAD nina Senators Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. at Jinggoy Estrada, sinuspinde na rin nang tuluyan ng Sandiganbayan third division si Sen. Juan Ponce Enrile na nahaharap din sa kasong may kaugnayan sa pork barrel scam.
Sa desisyon ng Sandiganbayan, 90-araw o katumbas ng tatlong buwan ang suspensyon kay JPE.
Ang suspensyon ay alinsunod na rin sa kahilingan ng prosekusyon na pansamantalang pigilan si Enrile sa pagganap ng trabaho habang ito ay nahaharap sa kasong pandarambong.
Layunin umano nitong maiwasan ang anomang impluwensya ng senador sa mga may hawak sa kaso.
Una ng umalma ang kampo ni Enrile sa pagsasabing hindi makatuwirang suspendehin pa ang isang nakaratay at naka-hospital arrest na senador.
Noong nakaraang Biyernes lang din nang masuspinde bilang senador ang co-accused ni Enrile na si Sen. Jinggoy Estrada. Robert C. Ticzon