KRITIKAL ang isang tindero nang barilin ng isa sa tatlong holdaper matapos nitong mabato ng kahoy ang isa sa mga suspek sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling-araw, Hulyo 25.
Ginagamot ang biktimang si Marlon Imus, 22, stay-in sa Al-Sof sari-sari store sa Santolan Road, Gen. T. De Leon ng lungsod sanhi ng tama ng bala sa tiyan.
Sa ulat, alas-2:30 ng madaling-araw pumasok sa loob ng nasabing tindahan ang isa mga suspek at umorder ng chicharon.
Habang kinukuha ng biktima ang order ay biglang pumasok ang dalawa pang naka-bonnet na suspek sabay labas ng mga baril at nagdeklara ng holdap.
Sa pagkagulat ng biktima, naibato nito ang bitbit na piraso ng kahoy sa mga suspek dahilan upang putukan ito.
Kahit sugatan, nakatakbo pa palabas ng tindahan ang biktima saka nagsisigaw at humingi ng tulong.
Agad namang nagsitakas ang mga suspek ng makatunog na papalapit na ang mga residente habang isinugod naman ang biktima sa VGH. Rene Manahan