HINDI panghoholdap kundi isang transport franchise scam umano ang ugat kaya pinatay ang nagmamaneho ng kotse at ang dalawang sakay nito sa Novaliches, Quezon City nitong Miyerkules ng umaga.
Sinabi ni Police Insp. Elmer Monsalve, hepe ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) homicide section, na ang tatlong biktima na sina Aguido Roquita, Rosie Sumbeling at Maria Irma Bautista ay kilalang sangkot umano sa maanomalyang pagbebenta ng prangkisa ng sasakyan.
Binibili aniya ng tatlo ang mga prangkisa at saka ibebenta ng paulit-ulit ang isang prangkisa sa mga buyers na walang kamalay-malay na sila ay niloloko na pala.
Pinagtibay pang lalo ito ni Novaliches police station, Supt. Norberto Babagay, na may hurisdiksyon sa insidente.
Ayon kay Babagay, kilala ang tatlo sa iligal na aktibidades na ang isa sa mga babaeng biktima na hindi pinangalanan ay iniutos na arestuhin ng Valenzuela court sanhi ng parehong modus operandi.
Sinabi rin ni Babagay na lumilikha tuloy ng malaking kalituhan ang naturang scam sa naging mga biktima nina Roquita, Sumbeling at Bautista.
Ang tatlo ay kapwa nagtamo ng tig-isang tama ng bala. Natagpuan ang tatlo sa loob ng kotse na minamaneho ni Roquita na sumalpok sa gate ng Montinola property sa Baluyot Park, Barangay Sauyo dakong 11:30 a.m.
Dead-on-the-spot si Roquita habang hindi na umabot ng buhay sa Far Eastern University-NRMF Hospital si Sumbeling. Si Bautista naman ay namatay sa nabanggit na ospital dakong 1:29 p.m.
Naniniwala naman si Marcelo, na ang salarin ay nasa likod ng sasakyan dahil natagpuan ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 sa loob mismo ng kotse ng mga biktima. Robert C. Ticzon