DAHIL sa masamang epekto ng droga, pinugutan ng isang lalaki ang kanyang sariling nanay nang sa tingin niya ay isa itong aswang na aatake sa kanya sa Bacolod, kaninang madaling-araw, Hulyo 24.
Napulot ang ulo ng biktimang si Eledina, 70, sa loob ng bahay nito habang natagpuan naman ang katawan nito sa may likuran ng bahay.
Nakapiit na ngayon sa Bacolod Police Station 8 at kakasuhan ng pariccide ang suspek na si Percival Gabitana, 34.
Naganap ang insidente dakong 2:00 ng madaling-araw sa bahay ng mag-ina sa Villa Esperanza, Barangay Tangub.
Ayon sa mga kapitbahay, narinig nilang humihingi ng tulong ang biktima kaya tumawag sila ng barangay tanod na siyang humingi naman ng tulong sa pulisya.
Sa pagresponde, bumulaga sa kanila ang pugot na ulo ng biktima.
Sa panayam sa suspek, aswang umano ang tingin nito sa kanyang nanay kaya hinampas niya ito ng kawayan at tinaga sa leeg.
Sobrang paghithit ng droga ang tinitingnang dahilan kaya pinatay ng binata ang kanyang nanay. Robert C. Ticzon