SUPORTADO ng isang bagitong solon ang panawagan sa Commission on Audit (COA) na magsagawa ng special audit sa Disbursement Acceleration Program (DAP) upang mawala ang anumang pagdududa na bumabalot sa usapin.
Ayon kay Sen. Bam Aquino, sa pamamagitan ng special audit, malalaman kung napunta ang pondo sa lehitimong proyekto o may nakinabang dito sa iligal na paraan.
“Kung mayroong nakinabang dito, dapat siyang papanagutin sa ilalim ng batas,” giit ni Aquino.
Aniya, dapat hindi ihalintulad ang DAP sa kontrobersiyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF), na inalis matapos sumingaw ang P10-billion scam noong 2013.
“Nakatulong ang DAP sa pagpapalakas ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga proyektong pinakinabangan ng maraming Pilipino habang P10 bilyon mula sa PDAF ay napunta sa pekeng non-government organizations at bulsa ng ilang pulitiko,” giit ni Aquino.
Pinuri rin nito ang Department of Budget and Management (DBM) sa paglalagay nito ng mga dokumentong may kaugnayan sa DAP sa website ng ahensiya upang maging malinaw sa lahat kung saan napunta ang pondo.
Suportado rin ni Aquino ang hakbang ng pamahalaan na maghain ng motion for reconsideration sa desisyon ng Korte Suprema sa isyu.
“Umaasa ako na titimbangin ng SC ang posisyon ng Pangulo ukol sa constitutionality ng DAP at papaboran ang gobyerno sa isyu,” saad pa ni Aquino. Linda Bohol