ISANG 16-anyos na dalagita ang ipinasok umano bilang Guest Relation Officer (GRO) ng sinamahang nobyo na nakilala ng una sa ‘Facebook’ matapos mai-rescue ng mga otoridad kaninang madaling-araw, July 24, sa Malabon City.
Ang biktima ay itinago sa pangalang “Maria”, ng Northville Subdivision, Meycuayan, Bulacan.
Nakapiit na ngayon sa detention cell ng Malabon City Police at nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek na si Jestoni Lagaris, 23, ng Bry. Hulong Duhat ng nasabing lungsod.
Base sa pahayag ng ina ng biktima na si Josephine, 44, overseas Filipino worker (OFW), umuwi siya mula sa ibang bansa matapos tumawag ang nakakatandang kapatid ng biktima na lumayas ito at ilang linggo ng hindi umuuwi ng bahay.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, nalaman na ang biktima ay sumama sa suspek na nakilala nito sa FB na ipinasok umano ng suspek sa isang night club bilang GRO.
Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis ay nabawi ang biktima sa bahay ng suspek.
Nahaharap ng patung-patong na kaso ang suspek matapos aminin ng biktima na ipinasok ito sa isang night club bilang GRO. Roger Panizal