NAGSAGAWA ng house to house investigation ang mga tauhan ng Caloocan City Police at ang mga barangay tanod sa mga residenteng naninirahan malapit sa bahay ng batang namatay dahil sa ligaw na bala na si Stephanie Nicole Ella na naaksidente sa kasagsagan ng pagsalubong sa bagong taon.
Ang aksiyon na ito ng pulisya ay dahil na rin sa utos ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri na isa-isahin ang bahay ng mga naninirahan malapit sa tinitirhan ng 7-anyos na biktima sa #2066 San Lorenzo Ruiz, Barangay 185, Malaria ng nasabing lungsod upang matukoy kung sino sa mga ito ang nagmamay-ari ng baril.
Ayon kay Supt. Jack Candelario, spokesperson ng Caloocan City Police, kamakalawa ng gabi ay tatlong barangay na ang kanilang naikot kabilang na dito ang mga Barangay 180; 185 at 186 kung saan ay umabot na rin sa 80 tahanan ang kanilang naimbetigahan.
Bagama’t hindi maaaring maghalungkat ang pulisya sa loob ng bahay ng mga iniimbestigahang bahay ay may natukoy ang grupo ng “Oplan Galugad” na mga residente na gun owner at ang iba naman ay mga tauhan ng PNP.
Sa kasalukuyan ay aalamin kung anong klaseng bala ng baril ang tumama sa ulo ng biktima bago magsasagawa ng imbestigasyon at kapag tumugma ito sa baril ng isa sa mga residenteng nakitaan ng armas ay makikilala na ang tunay na salarin.
Kaugnay nito, nakatakda namang hilingin ni Mayor Echiverri sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na magsagawa ng “saturation drive” sa naturang lugar upang mas mapadali pa ang pagtukoy sa taong nagpaputok ng baril.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Caloocan City Police sa mga barangay officials para sa binabalak na “saturation drive” nang sa gayon ay walang malalabag na karapatang pantao ng mga residenteng maaapektuhan ng operasyon.
Nagpasalamat naman si Mayor Echiverri sa mga residente na patuloy na nakikipagtulungang sa ginagawang imbestigasyon upang makilala ang salarin na basta na lamang nagpaputok ng kanyang baril noong Enero 1 dakong alas 12:45 ng madaling araw dahilan upang tamaan ang biktimang si Stephanie Nicole na nanonood ng mga pailaw sa labas ng kanilang bahay kasama ang amang si Jay Ella.
Matatandaa na sinagot na rin ni Echiverri at ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas President, Councilor Ricojudge “RJ” Echiverri ang hospital bills ng biktima maging ang gagastusin sa pagpapalibing kay Stephanie Nicole.