TUMIMBUWANG sa loob mismo ng klinika ang isang doktor nang barilin ng kanyang pasyente na pinaniniwalaang nadismaya sa kanyang serbisyo bago nagbaril din sa sarili sa Cebu City kaninang umaga, Hulyo 24.
Namatay habang ginagamot sa pagamutan sanhi ng tama ng baril sa dibdib ang biktimang si Dr. Chris Cecil Chan Abu, 50, orthopedic surgeon at may klinika sa Sacred Heart Hospital na nasa Urgello St., Barangay Sambag 2, Cebu City.
Dead-on-the-spot naman sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo ang suspek na si Wilfredo Cabusulin, 62, dating seaman at pasyente ni Abu.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 9 ng umaga sa loob mismo ng klinika ng biktima.
Bago ito, kasamang nagpunta ng biktima na nakasakay sa wheelchair sa nasabing klinika ang kanyang alalay na si Raniel Talino upang magpatingin muli sa biktima.
Nabigla na lamang ang mga tao sa ospital nang biglang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok ng baril na nagmula sa loob ng klinika ni Abu.
Agad sinilip ng mga medical staff ang loob ng klinika at nakitang kapwa duguan at nakahandusay sa sahig ang kanilang amo habang nakita naman nilang naliligo sa sariling ang pasyente nito na nakaupo sa kanyang wheelchair.
Sa pagsisiyasat, si Cabusulin ay may problema sa spinal cord at ilang ulit nang nagpatingin sa biktima na noon ay nakalalakad pa.
Pero nitong huling pagpapatingin ay ipinaalam na ng biktima na hindi na siya makalalakad pa.
Ayon sa awtoridad, marahil sa sobrang pagkadismaya at depresyon, at bilang ganti na rin dahil malaki na ang kanyang nagagastos sa pagpapagamot ay binaril ng suspek ang biktima bago nagbaril sa sarili.
Isasailaim naman sa tactical interrogation si Talino para malaman ang puno’t dulo ng krimen. Robert C. Ticzon