UTAS ang tatlo katao matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ng kotse sa Bgy. Sauyo, Quezon City kaninang madaling-araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Agido Roqueta, 51, ng 3148 Interior 57 Pilar St., Tondo, Manila, Jasmin Bautista ,63, at Rosie Sombeleng.
Si Bautista ay nasawi habang ginagamot sa FEU General hospital habang nasawi naman ang dalawa noon din sa pinangyarihan ng insidente.
Ayon kay SPO1 Mar Dayan ng Quezon City Police District Station 4 – Novaliches, naganap ang insidente sa Daang Nasawa, Bukanid Ext., Bgy. Sauyo, QC alas-11:30 ng umaga.
Sinabi sa ulat na sakay ang mga biktima ng Toyota Vios na brown nang pagbabarilin ng mga hindi kilalang suspek sakay ng dalawang motorsiklo.
Matapos ang pamamaril tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo na hindi naplakahan.
Nakuha mula sa sasakyan ng mga biktima ang P108,000 na dalang pera ng mga biktima.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung bigong holdap ang naganap na pamamaslang at ang mga suspek sa naturang krimen. Santi Celario