IPINAHAYAG ng pamunuan ng Department of Energy (DoE) na 100-porsyento na ng kuryente ang naibalik sa buong Metro Manila matapos magpatupad ng “rotating brownout” ng halos isang linggo makaraang manalasa ang bagyong Glenda na nagresulta sa pagkakasira ng ilang poste at linya ng mga kuryente sa kalakhang Maynila.
Sa paliwanag ni Petilla, bagama’t naibalik na ang suplay ng kuryente sa Metro Manila ay marami pa ring mga poste at kawad ng kuryente ang patuloy na kinumpuni upang tuluyan nang hindi na muling makaranas ng brownout.Batay naman sa ulat ng Meralco, mahigit 150,000 residente o dalawang porsiyento mula sa kanilang franchise area sa Southern Luzon ang nakararanas pa rin ng brownout.
Ayon sa Meralco, patuloy pa rin ang pagsasaayos ng mga natumbang poste at nasirang kable sa ilang lalawigan partikular sa Quezon, Batangas, Cavite at sa Bicol kaya’t hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente dahil sa pananalasa ng naturang bagyo.
Nangako naman ang Meralco at ang pamunuan ng DoE na wala nang mararanasan ang publiko ng rotating brownout kapag naibalik na ang supply ng kuryente sa buong franchise area. Kaugnay nito, sinabi ni Petilla na kasalukuyan pa rin nilang hinihintay ang sagot ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III hinggil sa kanyang rekomendasyon na magdeklara ng state of emergency upang maagapan ang power crisis sa susunod na taon.Inaasahan naman ng Kalihim na bago mag-Agosto ay madededisyunan na ng Pangulo ang kanyang rekomendasyon.
Una nang sinabi ni Petilla na maaaring magkaroon ng power crisis sa pagitan ng buwan ng Marso hanggang Mayo sa susunod na taon kaya’t inirekomenda kay Pangulong Aquino na gamitin ang Section 71 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para magkaroon ito ng emergency power para masolusyunan ang problema kaugnay sa suplay ng kuryente. Jay Reyes