POSIBLENG maging bagyo ang nalusaw na Low Pressure Area (LPA) sa silangang bahagi ng bansa.
Ayon kay forecaster Manny Mendoza, nag-”reorganize” ang kaulapan nito matapos mag-alisan nitong Miyerkules.
Paliwanag pa ni Mendoza, ito’y dahil nagkaroon ng pagsasalubong ng mga hangin matapos bumaba ang atmospheric pressure ng sama ng panahon.
Kung magpapatuloy sa pagbaba, posible pa itong maging bagyo.
Sa ngayon ay bahagyang mabagal pa ang pagkilos ng LPA dahil kabubuo pa lamang muli nito.
Ngunit sa monitoring ng PAGASA, nakapasok na ito sa sa loob ng PH Area of Responsibility (PAR) bandang alas-4:00 ng umaga.
Mas maaga ito kumpara sa unang itinaya ng state weather bureau na pagpasok sa weekend.
Huli itong namataan sa layong 800 kilometro sa silangan ng Guiuan, Samar.
Kung patuloy nitong tutumbukin ang kanlurang direksyon at lalawak pa ang kaulapan, posibleng sa loob ng 24-36 oras ay maaapektuhan na ang mga lugar sa Eastern Visayas at Mindanao. Johnny F. Arasga