IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa mga mambabatas ang kapalaran ng kauna-unahang balidong impeachment complaint na isinampa ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) laban kay Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay Presidential spokesman Edwin Lacierda, may House rules para himayin ang impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino at ang kongreso aniya ang tumatayong fiscal sa ganitong mga reklamo.
“Well, the impeachment complaint, this is I understand the third and this is the first time it has been endorsed. We will defer to the House. They have the House rules to deal with such an impeachment complaint. As you know the role of the House in an impeachment complaint is to be the fiscal and they will assess the — and based on their rules, they will look into the allegations of the impeachment complaint,” ayon kay Sec. Lacierda.
Ang impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino ay may kinalaman sa kontrobersyal na budget spending program na kilala sa tawag na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ito’y inendorso ng tatlong kinatawan mula sa makakaliwang grupong Makabayan bloc sa Kongreso.
Ang Makabayan bloc ay may pitong miyembro sa katauhan nina Bayan Muna representatives Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate at Anakpawis representative Fernando Hicap ang mga nag-endorso ng impeachment complaint. Ang iba pang miyembro nito ay sina Gabriela representatives Luzviminda Ilagan at Emmi De Jesus; Kabataan representative Terry Ridon; at Act Teachers representative Antonio Tinio.
Matatandaang una nang nagsampa ng impeachment complaint laban sa Pangulong Aquino sina Atty. Oliver Lozano at dating Congressman Augusto Syjuco kaugnay pa rin ng DAP bagama’t hindi pa ini-endorso ng sinomang kongresista. Kris Jose