PANAHON na upang tuldukan ang pagkontrol ng isang presidente sa budget sa ilalim ng Presidential Decree 1177.
Sinimulang ipatupad ito ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na siyang ginagamit ngayon ng Pangulong Noynoy Aquino.
Umapela sina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abante Mindanao Rep. Maximo Rodriguez na madaliin ang pagpapasa sa House Bill 4065 kung saan partikular na pinapatanggal ang Sections 31, 43 and 44 of PD 1177 o “Revising the budget process in order to institutionalize the budgetary innovations of the New Society.”
Nakapaloob sa mga seksyon ng batas ang automatic appropriation, suspensyon, pagpigil at pag-impound ng expenditures o appropriation gayundin ang pagotorisa sa Pangulo na maglipat ng pondo sa nais nitong tanggapan o ahensya ng gobyerno.
Iginiit ng mga mambabatas na ang ganitong diktaturyang pamamahala sa budget ay walang puwang sa demokratikong bansa lalo na’t pinaiiral na ang pagkakapantay-pantay ng tatlong sangay ng gobyerno.
Binigyang-diin pa ng dalawang kongresista na long overdue na rin para maipagkaloob sa Kongreso ang kapangyarihan at karapatan nito sa budget na nakasaad sa ilalim ng Konstitusyon.
Naiakyat na ang panukala sa Committee on Appropriations at inaasahang aaksyunan ito agad sa muling pagbubukas ng sesyon sa July 28. Meliza Maluntag