PINASARINGAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang mga kritiko na patuloy na nagsisilbing balakid sa ginagawa niyang pagpapabuti sa buhay ng kanyang mga boss at pagsusulong ng reporma ng bansa.
Sa idinaos na pagpapasinaya sa Ciudad de Victoria sa Bocaue, Bulacan, kanina ay sinabi ng Pangulong Aquino na bilang mga tagasunod ng Panginoon ay marapat na laging magtulungan sa pagtataguyod ng ikabubuti ng lahat; laging maging bukal ng pag-asa at paglingap sa kapwa, lalo na aniya sa mas nangangailangan.
Nauna rito, binati niya ang lahat ng bumubuo ng Iglesia ni Cristo, sa pangunguna ng Tagapamahalang Pangkalahatan na si Ka Eduardo Manalo sa nalalapit nitong ika-100 anibersaryo.
Ikinalugod ng Pangulong Aquino ang pagkakataong maging bahagi ng nasabing pagtitipon.
Personal aniya niyang sinusuportahan ang isang institusyong tulad ng Iglesia sa maalab na paghubog ng mga miyembro bilang mga tapat na alagad ng Panginoon.
Nagsisilbi aniyang tulay ang INC upang mapalalim pa ang pananampalataya ng mga kasapi, at maigting na ginagabayan ng mga opisyal nito ang buhay ispiritwal ng napakaraming mga Filipino. Kris Jose