WALANG pakialam ang Malakanyang sa Black Monday protest ng mga juridiciary employees o pagsusuot ng itim na damit para ipamukha kay Pangulong Benigno Aquino III na isinusuka nila ang Disbursement Acceleration Program (DAP) ng gobyerno.
Para kay Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte, malaya ang mga taga-Korte Suprema at Sandiganbayan sa kahit na anomang pagkilos o silent protest laban sa DAP lalo na ang pagsusuot ng kulay itim at pulang damit.
“Ang maganda lang po sigurong linawin dito ay kinikilala ho natin ‘yung poder ng Korte Suprema at malinaw naman po ito sa mga naging hakbang ng ating pamahalaan. While the President has made known his –‘yung side of the government when it comes to the Disbursement Acceleration Program, it’s very clear that we are following the processes as mandated by the Constitution and our law kasi nag-file nga po tayo ng motion for reconsideration. So whatever our position is on the Supreme Court decision on the DAP, we are raising points in the manner that is provided by law and that is through the filing of a motion for reconsideration,” ayon kay Usec. Valte.
Dedma rin ang Malakanyang kung maging sa State of the Nation Adddress (SONA) sa darating na Lunes, Hulyo 28, ay gawin din ng mga ito ang kanilang silent protest at muling magsuot ng itim na damit.
Wala aniyang problema sa kanila kung anoman ang gustong gawin at kung kailan gustong ipahayag ng mga ito ang kanilang saloobin hinggil sa DAP.
Matatandaang pinasaringan at kinastigo ni Pangulong Benigno Aquino III ang naging desisyon ng Korte Suprema na “unconstitutional” ang ilang bahagi ng DAP.
Pinanindigan ng Pangulong Aquino na ikinasa nila ang DAP “in goodfaith” at walang masama sa DAP. Kris Jose