AGAD na idinipensa ni Trade Undersecretary Victorio Dimagiba ang pagsipa sa presyo ng gulay sa Benguet.
Ayon kay Dimagiba, normal lamang ang pagsipa ng presyo ng gulay dahil maraming taniman ang sinira ng bagyong Glenda at hirap din ang mga trader sa Benguet na ibiyahe ang mga suplay ng gulay patungo sa Metro Manila.
Matatandaang kahapon, tumaas ng P5.00 ang halaga ng bawat kilo ng carrots at repolyo.
Batay sa price monitoring, aabot na sa P40.00 hanggang P60.00 ang kada kilo ng carrots habang ang repolyo ang naglalaro sa P16.00 hanggang P21.00 kada kilo.
Samantala, nagbabadyang namang tumaas ang presyo ng isda sa mga susunod na araw.
Paliwanag ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Executive Director Asis Perez, ito’y dahil sa maraming fish pen at fish cages ang winasak ng bagyong Glenda.
Sinabi ni Perez na karamihan pa naman sa mga ito ang malapit na sanang hanguin.
Kasabay nito, tiniyak naman ng BFAR na ligtas kainin ang mga bangus at tilapia na naglutangan sa Ilog Pasig lalo’t hindi naman anila matagal na nalantad ang mga ito sa pollutant.
Payo ni Perez, tiyakin lamang na hindi bilasa ang isda at linisin munang mabuti bago ito lutuin. Johnny F. Arasga