SA kagat ng kanyang kapatid nagtapos ang buhay ng isang lalaking nanakit sa kanyang nanay sa Antique nitong Biyernes ng gabi, Hulyo 17.
Namatay habang ginagamot sa pagamutan sanhi ng malalim na kagat sa may dibdib ang biktimang si Ronnie Sasi, 22, residente ng Barangay Buhang, Hamtic, Antique.
Nakakulong na ngayon sa Hamtic PNP at sasampahan ng kasong parricide ang suspek na si Randy, 32, kuya ni Ronnie.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 11:35 nitong Biyernes ng gabi sa loob mismo ng bahay ng magkapatid.
Bago ito, umuwing lasing na lasing ang biktima at nang walang makitang pagkain sa lamesa ay pinagbuhatan ng kamay ang kanyang nanay.
Ayon sa tatay ng magkapatid, sinaklolohan ni Randy ang kanyang nanay at dinamba ang kanyang kapatid pero sinakmal siya nito sa kaliwang dibdib.
Sa tindi ng kagat, biglang nag-collapse si Ronnie sa gitna ng pagbubuno ng magkapatid.
Hindi naman matiyak pa ng awtoridad kung ang kagat na tinamo ng biktima ang sanhi ng kanyang pagkamatay o maaring inatake ito sa puso habang nakikipagbuno kay Randy.
Pero ikinokonsidera naman ng mga doktor ang medical history ni Ronnie na nabatid na isa na lamang ang kidney bukod pa sa may hika ito. Robert C. Ticzon