INAALAM na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang malaking posibilidad na mga Chinese traders ang nasa likod ng biglaang pagtaas ng presyo ng bawang sa merkado.
Ayon sa nakalap na ulat, 14 na pamilihan sa Metro Manila ang sumailalim sa inspeksyon ng mga imbestigador at napag-alamang nagmula sa Divisoria sa Maynila ang mga itinitindang bawang ng mga ito.
Sinasabing mga Tsino mula sa Binondo ang siyang nagbebenta ng bawang sa Divisoria at dito nagmumula ang presyuhan.
Batay sa ginawang inspeksyon ng NBI, ibinebenta ang bawang sa halagang P260 kada kilo sa Pritil market sa Tondo, P330 naman sa La Huerta Market sa Parañaque, P280 sa Alabang, P350 sa Baclaran, P300 sa Trabajo Market sa Sampaloc, Maynila, P280 sa Marikina at P260 sa Balintawak, Quezon City.
Samantala, sa San Juan, P280 ibinebenta ang kada kilo ng lokal na bawang at P300 naman ang imported. Johnny F. Arasga