KUMBINSIDO ang Malakanyang na hindi naman kailangan ang presensya ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga lugar na binayo ng bagyong Glenda.
Kinatwiran naman ni Press Sec. Sonny Coloma, Jr. na nandoon naman sa lugar na naapektuhan ng bagyong Glenda ang mga department heads at department secretary na aktibong nangunguna sa clearing operations matapos ang pananalasa ng nasabing bagyo.
Todo-paliwanag naman si Sec. Coloma kung bakit nanatili lamang sa Bahay Pangarap si Pangulong Aquino nitong Miyerkules, Hulyo 16, habang humahampas ang malakas na hangin at ulan na dala ng Bagyong Glenda.
Anito, naka-monitor si Pangulong Aquino sa mga kaganapan sa lansangan taliwas sa ulat na nagpapahinga lamang ito.
“Nasa Bahay Pangarap siya attending to monitoring of the situation at saka ‘yung pag-aaral din niya ng mga state papers, ano. It became evident after the typhoon made landfall and passed through Metro Manila and then exited from Bataan, ano. Ginawa naman niya ‘yung assessment na ganoon at batay naman doon sa mga ulat ay hindi naman nagkaroon ng mabigat o kagimbal-gimbal na pinsala, ano, kaya’t tinimbang din naman niya,” ani Sec. Coloma.
Hindi naman nagpabaya sina Executive Secretary (Paquito) Ochoa, Secretary (Voltaire) Gazmin, chairman ng NDRRMC na bigyan ng update report ang Chief Executive.
Sina DILG Secretary Mar Roxas at DSWD Secretary Corazon Soliman ay nag-antabay naman sa sitwasyon sa mga kalapit na lugar.
Nasa NDRRMC aniya ang mga nabanggit na opisyal habang nagsagawa naman ng aerial inspection si Sec. Rogelio Singson kasama ang executive director ng NDRRMC na si Undersecretary Alex Pama. Naging abala rin si MMDA chair Francis Tolentino.
“Lahat naman ng mga kinauukalang ahensya ay ginawa ang kanilang tungkulin,” anito.
Sinabi pa rin ng opisyal na bahagi ng management style ang pananatili ni Pangulong Aquino sa Bahay Pangarap.
“Nasa Bahay Pangarap siya physically. Bahay Pangarap is in the National Capital Region (NCR). The NCR is one of the areas that was actually struck by the typhoon. Siguro naman makikita doon sa naging paliwanag na ginawa naman niya ‘yung sapat at hindi naman siya nagpabaya. Ginagawa niya ‘yung kanyang mga tungkulin. Baka naman medyo eksaherado na ‘yung paghiling pa na nandoon mismo sa iisa lang lugar. ‘Yon ba ang ating pamantayan? He has to be at the NDRRMC? E, sa ngayon naman, ano, pwede rin nama niyang pangunahan itong mga aktibidad na ito mula mismo sa kanyang tanggapan. ‘Yung kanyang tahanan ay extension na rin ng kanyang tanggapan. He is within the confines of the official residence at sana maunawaan naman ng ating mga mamamahayag ang aspetong ito ng kanyang tungkulin—na hindi naman siguro kailangan na nandoon lang sa iisang lugar at ito ang gagawing batayan o pamantayan sa kanyang pagganap sa kanyang tungkulin,” litanya ni Sec. Coloma.
At sa pagpasok aniya ng panibagong bagyo sa bansa ay ibayo pang pagsisikap na mapa ang kanilang gagawin partikular na sa aspeto ng disaster resiliency.
Mahigpit din nilang binabantayan ang mga mga lugar na lantad sa landslides.
Pinipilit ng Department of Energy (DoE) na maibalik ang 100% na suplay ng kuryente sa Metro Manila (MM).
Sa ngayon ay 90% ang naibabalik pa lamang na suplay ng kuryente kasama na ang ibang rehiyon na nawalan ng suplay ng kuryente dahil sa malakas na hampas ng hangin na bitbit ng bagyong Glenda.
“Aalamin natin ‘yung update doon sa iba’t ibang rehiyon. Isa ‘yan sa mga prayoridad ngayon, ‘yung pagpapanumbalik ng kuryente sa lahat ng mga apektadong lugar,” ayon kay Sec. Coloma. Kris Jose