NALAGAS sa engkuwentro ang dalawang holdaper ng isang pampasaherong jeep sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni P/Supt. Norberto Babagay, hepe ng pulisya ng QCPD station 4, nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga hindi nakikilalang suspek na inilarawang 28-30-anyos, nakasuot ng t-shirt at maong pants.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 10:30 ng gabi sa may Rainbow Homes 1, sa may kanto ng Rainbow at Evangelista St., sa Barangay San Bartolome, Q.C.
Bago ito, hinoldap ng mga suspek ang isang pampasaherong jeep na may rutang Novaliches-Blumentritt.
Pero habang nililimas ang mga kagamitan ng mga pasahero, napansin ng nagpapatrolyang pulis ang komosyon kaya nilapitan ang dyip para mag-imbestiga.
Imbes paliwanag, putok ng baril ang isinalubong ng mga suspek sa mga pulis na napilitang gumanti kaya napatumba ang mga ito.
Narekober sa mga suspek ang mga kinulimbat na gamit sa mga pasahero isang kalibre .38 na kanilang dala. Robert C. Ticzon/photo by: Ivan Gaddia