HINAHANTING na ngayon ng awtoridad para maibalik sa selda ang isang babaeng preso na nakatakas sa municipal jail sa Laoag City nitong nakaraang Linggo ng madaling-araw.
Sinabi ni Police Senior Supt. Antonio Mendoza Jr., acting provincial director ng Philippine National Police sa Camp Valentin S. Juan, Laoag City, ang target ng hot-pursuit operation ay si Jospehine Isip, na may kasong illegal drugs at tubong Pampanga province.
Bago ito, nahuli si Isip sa kasong pagbebenta ng droga may isang linggo pa lamang ang nakararaan.
Sa katunayan, sasampahan pa lamang ito ng kaso sa Marcos Hall of Justice nitong nakaraang Lunes pero biglang nawala dakong 5 ng madaling-araw sa loob ng kanyang selda.
Pinaniniwalaang dumaan ito sa isang sirang kisame at sa tulong ng naibukang steel bars ay nakatakas ito.
Aminado naman si Marcos town’s police chief Senior Inspector Arnel Tabaog, na mayroon silang pagkukulang sa insidente pero handa naman sila kung ano mang kaparusahan ang igagawad sa kanila sa pagtakas ni Isip. Robert C. Ticzon