NANAWAGAN na ang Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) sa Malakanyang na igalang ang pasya ng hudikatura kaugnay sa usapin ng Disbursement Acceleration Program na nauna nang idineklarang labag sa batas.
Ayon kay CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, dapat igalang ng ehekutibo ang naging pasya ng hudikatura sa halip na harap-harapang banatan ito sa publiko.
Binigyang-diin ng Arsobispo na dapat pairalin ang rule of law para na rin sa ikabubuti ng nakararami at ito aniya ay isang moral concern.
Bagama’t may kalayaan ang Pangulo na maghayag ng kanyang sentimyento sa harap ng kanyang mga boss sa ilalim ng umiiral na demokrasya, sinabi ni Villegas na dapat maging halimbawa ng pagpapakumbaba, paggalang at pagsunod ang lahat ng sangay ng gobyerno. Johnny F. Arasga