MAGLALABAS ang Commission on Elections (Comelec) ng mahabang listahan ng mga kandidato na maaaring mapatawan ng administrative o criminal sanctions dahil sa paglabag sa election laws sa mga susunod na araw.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., ito ang patunay na seryoso ang poll body sa paghabol sa mga kandidatong lumalabag sa batas, na siyang legasiyang nais niyang iwanan sa sandaling magretiro na siya sa pwesto sa Pebrero, 2015.
Sinabi ng poll chief na ilan sa mga naturang kandidato na kasama sa listahan ay nabigong magsumite ng kanilang Statement of Election Contributions and Expenditures (SOCE), nag-overspending o sobra-sobra ang nagastos noong kampanya, sangkot sa vote buying at iba pang paglabag.
Ipinaliwanag pa ni Brillantes na ang ginagawa nila sa ngayon ay isang babala rin sa mga kandidatong tatakbo sa 2016 national elections na may planong lumabag sa election laws.
Matatandaang una nang diniskwalipika ng Comelec si Laguna Governor ER Ejercito sa pwesto dahil sa overspending noong nakalipas na kampanya para sa 2010 polls. Macs Borja