MALAKI ang paniniwala ni dating Budget Sec. Benjamin Diokno na pagbabanta at pambu-bully ang ginawa ni Pangulong Noynoy Aquino sa Korte Suprema kaugnay sa pagdepensa ng Disbursement Accelaration Program (DAP).
Magugunitang nagbanta ang Pangulong Aquino kagabi sa Korte Suprema na huwag nang hayaang humantong sa banggaan ng dalawang co-equal branch ng gobyerno na kailangan pang mamagitan ang isa pang sangay ng pamahalaan.
Sinabi ngayong umaga ni Prof. Diokno na napikon ang Pangulong Aquino sa Korte Suprema at nakakabahala ang senaryong maaring ibunga ng kanyang banta.
Ayon sa kilalang ekonomista, malaking krisis ang idudulot nito sa bansa kung magkaroon ng ‘head-on’ ang Ehekutibo at Hudikatura na kapwa may taglay na kapangyarihan sa Konstitusyon.
Kaya dapat daw maging mahinahon ang Pangulong at tuparin ang mandatong ipagtanggol ang Konstitusyon.
Inihayag din ni Diokno na magsisilbing hamon sa 13 mahistrado ng Supreme Court (SC) ang banta ng Pangulong Aquino at panindigan ang kanilang ‘unanimous decision’ gaya ng ginawa laban sa PDAF. Johnny F. Arasga