UMAPELA ng panalangin ang Obispo ng Diocese of Catarman, Northern Samar para sa kaligtasan ng mga residente mula sa banta ng bagyong Glenda.
Sinabi ni Catarman Bishop Emmanuel Trance na nakararanas na ng pag-ulan ang Catarman bagama’t hindi pa tumatama sa lupa ang bagyo.
Ayon pa sa Obispo, nagpakalat ng text messages ang Diocese sa kanilang mga nasasakupang parokya upang bigyan ng babala ang taumbayan sa kasalukuyang kalagayan ng bagyong Glenda.
“Ang aming Social Action Center ay nagbabala sa mga parishes at least through text para ma-update sila kung paano na ang bagyo. Kahit sa ngayon ay brownout maliban lang sa mga may generator, at least nakakapakinig siguro sila sa radyo, ito lang text ang pinaka-effective sa amin dito na information,” pahayag ni Bishop Trance.
Nanawagan din ang obispo sa mga nasasakupan ng Diocese na maging alerto at maging handa sa pagdating ng bagyong Glenda. Jocelyn Tabangcura-Domenden