SAN FERNANDO, La Union – Sinimulan na ng Environmental Management Bureau (EMB) ang “Search for Sustainable and Eco-friendly Schools” sa buong rehiyon upang hikayatin ang mga mag-aaral na maging aktibo na sumali sa pangangalaga ng kalikasan.
Ayon kay Maria Venus Junio, EMB information officer, umaasa silang mas madami pang mag-aaral at guro ang mahihikayat na sumali sa grupo ng mga tagapag-alaga ng kalikasan.
Maaaring sumali sa paligsahan ang mga paaralang pampubliko at pampribado sa rehiyon sa lahat ng antas.
Lahat ng mga kalahok ay mabibigyan ng puntos base sa mga sumusunod na kategorya:
- patakaran ng paaralan kaugnay sa pangangalaga ng kalikasan
- “environment-friendly’’ na pagpapatakbo at pagkakaroon ng programang pangkalikasan,
- environment-related features sa kurikulum ng paaralan
- pagkakaroon ng aktibong eco-organizations sa paaralan a
- pagkakaroon ng mga kaanib at koneksyon sa proyekto at programang pangkalikasan.
Ang mga mananalo sa bawat kategorya sa rehiyon ay makatatanggap ng sertipiko ng pagkilala at gantimpala na nagkakahalaga ng P5,000 at makikilahok sa national search sa darating na pagdiriwang ng “National Environment Awareness Month” sa Nobyembre.
Inilunsad ito ng EMB sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources sa pakikiisa ng Department of Education, Commission on Human Rights, Smart Communications, Nestle Philippines at Meralco.
Ang pagtanggap sa mga gustong lumahok ay hanggang sa Marso 25, 2013.
Para sa karagdagang impormasyon at detalye, maaaring magtanong lamang sa EMB-1 Environmental Education and Information Section sa telepono bilang (072) 700-2448 or 700-2448 at hanapin sina Venus A. Junio or Gerwyn Mae Mojado.