TILA takot daw si Pangulong Noynoy Aquino kay Budget Secretary Florencio Butch Abad.
Ito ang isiniwalat ni United Nationalist Alliance (UNA) Secretary General at Navotas Rep. Toby Tiangco kasunod ng patuloy na pagdepensa ng Malakanyang kay Abad hinggil sa usapin ng DAP.
Giit ni Tiangco, bad faith ang ginawang pagdepensa ng Palasyo kay Abad gayundin sa iba pang kaalyado ng administrasyong nasasangkot din sa mga kontrobersya sa DAP at pork scam.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na malinaw na may itinatago ang Malakanyang at agad pinawawalang-sala ang mga nasa likod ng kontrobersya kahit hindi pa nakapagpapatawag ng imbestigasyon.
Bukod dito, sinabi pa ni Tiangco na posibleng ginamit din ng administrasyon ang DAP upang tiktikan ang mga aktibidad na ginagawa ng oposisyon maging ng mga kritiko nito.
Samantala, agad pumalag ang Palasyo ng Malakanyang sa naging pahayag ni Tiangco na ginamit umano ng administrasyon ang DAP upang manmanan ang mga taga-oposisyon.
Iginiit ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na walang panahon ang Palasyo upang tiktikan ang mga kritiko nito o maging ang oposisyon dahil sa masyado umano silang abala sa pamamalakad ng bansa.
Ani Tiangco, masyado pang matagal ang 2016 kaya hindi pa nila iniisip ang mga bagay na may kinalaman sa pagpapalit ng administrasyon kasunod ng halalan.
Gayunman, kinumpirma ni Lacierda na may binili ngang mga surveillance gadgets ang pamahalaan upang gamitin para sa World Economic Forum (WEF) at para sa darating na APEC summit.
The post PNoy takot kay Abad — Toby Tiangco appeared first on Remate.