PATAY ang isang 39-anyos na lalaki makaraang barilin ng miyembro ng Sigue-sigue Commando Gang habang naglalaro ng pusoy sa Tondo, Maynila.
Hindi na umabot nang buhay sa Mary Johnston Hospital (MJH) ang biktimang si Rommel Suertefelipe, ng 1348 Juan Nolasco St., Tondo, Maynila.
Kinilala naman ang suspek na tumakas sakay ng motorsiklo na si Jojo Ignacio alyas “Jojo Tayman”.
Sa ulat ni PO2 Crispino Ocampo ng Manila Police District (MPD)-Homicide section, naganap ang insidente sa may Banda 45 malapit sa Juan Luna St., Tondo.
Nabatid na naglalaro ng pusoy, dumating ang suspek at walang sabi-sabing binaril sa ulo ang biktima.
Kaswal na naglakad papunta sa kanyang motorsiklo ang suspek na nagpaputok pa sa ere bago tumakas.
Patuloy namang inaalam ang motibo ng pagpaslang sa biktima.
The post Naglalaro ng ‘pusoy’, inutas sa Tondo appeared first on Remate.