POSIBLENG hindi makalaro si Rain or Shine guard Paul Lee sa pinakamahalagang parte ng best-of-five series ng PBA Governors’ Cup finals kontra sa San Mig Super Coffee.
Hindi sumama sa practice nila kahapon, Biyernes, si Lee dahil sa pananakit ng kanyang kaliwang bukong-bukong (ankle), na nakuha niya sa huling 1:20 ng Game 2 noong Huwebes.
Tangkang pagkuha ng rebound na sinabayan pa ni Marqus Blakely ang sanhi ng kanyang injury.
Ngunit sa kabila nito, tinapos ni Lee ang nalalabing oras at nakamit pa ang panalo sa iskor na 89-87.
“Hindi ko na talaga kaya kagabi. Masakit na masakit siya, kaso pinilit ko talaga kasi nga walang ibang magbabantay kay Barroca,” ani Lee.
Matapos ang laro, ika-ika itong nagpunta ng dugout sabay kuha ng pain reliever na ibinigay ng therapist na si JD Calinawan.
Sinabi pa ni Lee na pati tuhod niya ang sumakit na rin kinabukasan.
“Masakit. Hirap ako lumakad. Parang may mga karayom ‘pag naititiklop ko. Masakit talaga,” aniya.
Ngunit kahit pa injured, umaasa pa rin umano siya na makakalaro siya sa Game 3 kung saan isa sa kanila ang magkakaroon ng malaking tyansang magkampeon.
“Sa ngayon talaga, kung tatanungin mo ko, baka 20-80 ang chance ko na maglaro. Kasi magang-maga pa, eh. Nakita niyo naman siguro ‘yung pagkakapilipit niya,” saad ni Lee.
“Halos tumiklop siya kasi sinalo rin ng ankle ko ‘yung buong wait ko, eh,” dagdag niya.
Maging ang therapist ng RoS ay hindi sigurado kung kakayanin nitong makapaglaro sa Game 3.
“Mahirap sabihin, eh. Kasi day-to-day talaga ang status niya sa amin. May pain at may maga, so mahirap ipilit. Tapos hirap pa siya lumakad,” ani Calinawan.
“Ang mabigat pa sa injury niya, hindi siya nagpapalit kagabi. Nilaro pa niya. Kaya hindi ko agad nalagyan ng ice,” dagdag pa nito.
Ang maganda lamang dito, sinabi ni Calinawan na tatagal lamang ng limang araw bago ito gumaling.
“Hindi naman tatagal ng ganun, siguro kung may ma-miss man siya dahil hindi niya kaya, ‘yung Game Three lang siguro … sana,” umaasang pahayag ni Calinawan.
The post RoS Paul Lee, absent sa Game 3 appeared first on Remate.