ISINISISI ng Senate Committee on Agriculture and Food sa Department of Agriculture (DA) ang manipulasyon sa taas-presyo ng bawang, pangunahing sangkap sa pagluluto ng pagkain.
Sa pagdinig ng komite nitong Huwebes kaugnay sa labis na pagsirit ng presyo ng bawang na umaabot sa P250-300 kada kilo, mas pinaboran ng DA ang garlic traders na mag-import noong Abril 2014 na panahon naman ng anihan ng bawang.
“Why did you import garlic in April which is the garlic harvest season,” tanong ni Sen. Cynthia Villar, chairman ng komite.
“Nabarat ang Ilocos Norte farmers,” aniya.
Nabatid na sumuko na sa pagtatanim ng bawang ng karamihan sa magsasaka sa Ilocos dahil sa talamak na smuggling.
Walumpung porsyento ng produksyon ng bawang ay mula sa nasabing lalawigan.
Iginiit pa ng solon na dahil sa manipulasyon kaya’t mataas ang presyo ng bawang.
Ibinunyag nito na sinasamantala ng garlic traders ang pagbili ng ‘import permits’ mula sa garlic cooperatives sa P2 kada kilo ng bawang; at P9 naman kada kilo sa rice cooperatives.
Ibinebenta naman ito ng garlic traders sa mula P200-300 kada kilo na kumikita ng P29 bilyon kada taon ayon pa kay Villar.
Dahil dito aniya, dapat na papanagutin ang mapagsamantalang garlic traders.
Ayon kay Sen. Grace Poe, vice-chairman ng komite, na bagama’t nasa P2 milyon at 15 taon na pagkabilanggo ang itinakdang parusa sa mga negosyanteng mapagsamantala, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin.
“Oo nga may P2M na penalty, kung bilyon-bilyon ang kinikita, eh, babayaran ko ang P2M na ‘yan…gagawin ko na ‘yan nang paulit-ulit,” aniya.
“Mas lalo kong napapansin the lack of initiative on the part of agencies to be able to control this. Ang dami nating safeguards, mayroon tayong Price Protection Act at kung anu-ano pa, pero nakaabot sa puntong ito,” aniya.
The post DA sinisisi sa manipulasyon sa paglobo ng presyo ng bawang appeared first on Remate.