NANINIWALA ang isang beteranong solon na panahon na para kasuhan ang mga sangkot sa pagpapalabas at nakinabang sa kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ito’y kasunod sa pagpapalabas ng Supreme Court (SC) na ‘unconstitutional’ ang DAP.
Ayon kay Santiago, kasong kriminal, sibil at administratibo ang maaaring isampa ng government prosecutors kay Budget Sec. Butch Abad na may pakana sa pagpapalabas ng pondo maging ang mga senador at kongresistang tumanggap ng DAP na sinasabing suhol pagkatapos ang conviction sa impeachment trial si dating Chief Justice Renato Corona.
Kasabay nito ay pinagbibitiw pa ni Santiago si Abad dahil sa inilabas na P1.1 billion na DAP na idineklarang labag sa Saligang Batas ng Korte Suprema.
Habang pinasosoli pa ng lady solon sa mga senador at kongresista ang tinanggap na pondo kahit pa naipatupad ito sa iba’t ibang proyekto.
Aniya, dapat magtulungan ang Department of Justice (DoJ) at Commission on Audit (COA) para imbestigahan kung sino-sino ang dapat managot sa naturang programa.
Giit ng lady solon, dapat ibalik sa pamahalaan ang perang inilabas sa pamamagitan ng DAP dahil iligal itong ginamit at kailangan managot ang may kinalaman sa katiwalian.
Samantala, maari na ring gamitin na dahilan para sampahan ng impeachment complaint si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil sa isyu ng DAP ayon pa kay Santiago.
Aminado si Santiago na mahirap maging matagumpay ang impeachment case laban sa Pangulo dahil marami itong kakamping mambabatas sa Kamara maging sa Senado.
The post Abad kasuhan na rin – Santiago appeared first on Remate.