INUMPISAHAN ni Allein Maliksi, ipinagpatuloy ni James Yap at tinapos ni Marc Pingris para higupin ng defending champion San Mig Super Coffee Mixers ang Game 1 ng nagaganap na PLDT Home TelPad PBA Governors’ Cup Finals sa MOA Arena kagabi.
Mula sa 17 pagkakabaon, hinabol ito ng grand slam seeking Mixers upang payukuin ang Rain or Shine Elasto Painters, 104-101 at makauna sa kanilang best-of-five series.
Sumiklab si Maliksi upang sindihan ang rally ng Mixers at saka ipinagpatuloy ni two-time MVP Yap para makuha ang abante, 101-98, nang isalpak nito ang isang tres at leaning jumper bago sinelyuhan ng depensa ni Pingris ang tira ni RoS point guard Paul Lee sa three-point area.
Nasa unahan ang E-Painter, 98-96 subalit bumitaw ng tres ang superstar na si Yap upang maagaw ng Mixers ang lamang 98-99 at sinundan pa nito ng pandiin na dos mula sa pasa ni Pingris upang maging tatlo ang abante may 16.6 segundo na lang sa fourth period.
Nagmintis sa tres si RoS forward Gabe Norwood kaya nadakma ni reigning best import Marqus Blakely ang bola at ma-foul ito ni Beau Belga.
Pasok ang dalawang free throws ni Blakely kaya naging lima ang lamang ng Mixers.
Nanguna sa opensa para sa San Mig si veteran PJ Simon na nagsalpak ng 18 puntos at pitong rebounds habang tig-14 points ang kinamada nina Pingris at Yap.
Nag-ambag din sina Blakely at Mark Barroca ng 13 at 11 pts. ayon sa pagkakasunod habang may tig-10 markers sina Maliksi at Joe Devance.
Samantala, kinapos ang 35 pts. at 12 rebounds ni RoS import Arizona Reid upang maipanalo ang laban.
The post Mixers hinigop ang Game 1 appeared first on Remate.