HINDI pabor ang prosekusyon na makalabas ng bansa si dating Technology Resource Center Director General Dennis Cunanan sa naging pagdinig ng 5th division ng Sandiganbayan sa motion to travel nito sa Japan at Estados Unidos.
Ito ay dahil na rin sa isang flight risk si Cunanan kaya tutol ang special panel of prosecution na umalis ng bansa.
Hindi rin daw naipaliwanag ng mabuti sa mosyon ni Cunanan na lubhang mahalaga ang kanyang pagdalo sa pulong ng Junior Chambers International (JCI) sa Japan at US.
Wala rin umanong nakasaad sa mosyon kung saan partikular sa Japan at Amerika magtutungo at mananatili si Cunanan.
Dapat ding idetalye sa magkahiwalay na mosyon ang pagtungo sa Japan at Amerika ni Cunanan dahil magkaibang bansa ang kanyang pupuntahan.
Dahil dito, inatasan ng fifth division ang abogado ni Cunanan na bawiin ang kanilang motion to travel at gumawa ng dalawang magkahiwalay na panibagong mosyon na ihahain.
Kasabay nito, binigyan ng isang araw ang prosekusyon na magkomento sa motion to travel ni Cunanan dahil sa Biyernes ay submitted for resolution na ang kahilingan nito na makaalis ng bansa.
The post Paglabas sa bansa ni Cunanan haharangin ng Sandigan appeared first on Remate.