“I was very excited. I am not kidding! Yes, I’ve got cancer!”
Ito ang pasabog ni Sen. Miriam Santiago sa ipinatawag nitong press conference nitong Miyerkules sa Senado.
Ayon sa beteranang solon, na-diagnose noong nakalipas na linggo ang kanyang stage 4 lung cancer sa kaliwang bahagi ng kanyang baga.
Bagama’t pilit na pinagagaan ang kanyang kalagayan at nagpapatawa, bakas pa rin ang lungkot sa mga mata ni Santiago habang iniaanunsiyo ang pinakabagong pagbabago sa kanyang buhay.
Magugunita na hindi nakadadalo sa regular sessions sa Senado sa simula hanggang sa pagtatapos ng 1st regular session ng 16th Congress ang solon dahil sa kanyang pagkakaroon ng chronic fatigue syndrome.
Ito aniya’y may kaugnayan sa kanyang lung cancer ngayon kaya’t nagkakaroon siya ng madalas na paninikip ng dibdib lalo na kapag nagtatalumpati.
Marahil aniya’y nagbubunyi na ngayon ang kanyang mga kalaban sa pulitika matapos mabatid ang kanyang kalagayan.
Sinabi pa ng solon na babalik siya sa Senado makalipas ang anim na buwan sa pagsasailalim sa chemotherapy sa pamamagitan ng tableta na iniinom isang beses sa isang araw.
Ito aniya ang makabagong paraan ng pagte-therapy sa mga biktima ng kanser.
Dagdag pa sa pasabog ni Santiago, ang balak nitong muling pagkandidato sa 2016 presidential election.
“’Paggaling ko next month…I’m going to announce my presidential candidacy,” pahayag pa ng senador.
The post ‘I’ve got cancer’ – Sen. Miriam appeared first on Remate.