NAGSASAGAWA na ng loyalty check ang administrasyon sa Kamara para malaman ang pulso ng mga kongresista hinggil sa ikinakasang impeachment laban kay Pangulong Noynoy Aquino kaugnay pa rin sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon na tila iisa ang tono ng mga pahayag ngayon ng mga kaalyado ni Pangulong Aquino sa Kamara sa pagsasabing hindi matibay ang anomang planong impeachment laban kay PNoy dahil in good faith na ipinatupad ang DAP.
Karamihan aniya sa mga kaalyado ni PNoy sa Kamara ay nagpahayag ng mas masidhi pang suporta sa pangulo nang hindi man lamang inisip na isa itong culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust.
Tila nabulag na rin aniya ang mayorya sa Kamara sa palaging pagsunod sa ruling party at nakalimutan na walang hihigit pa sa batas kahit pa ang Pangulo.
Bagama’t aminado si Ridon na kakaunti lang silang mga mambabatas na nagtutulak sa impeachment laban kay Pnoy ay hindi aniya patitinag ang MAKABAYAN BLOC sa paghahain ng impeachment complaint.
Matapos magdeklara ang Supreme Court (SC) na unconstitutional ang DAP ay agad ipinahayag ni Ridon na nagkakasa na ang kanyang grupo ng impeachment complaint laban kay Pangulong Aquino at kasong malversation naman laban kay Budget Secretary Butch Abad.
The post Loyalty check sa mga kongresista ikinasa appeared first on Remate.