BILANG ganti sa ‘di pagbibigay ng revolutionary tax, pinagpuputol ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang tatlong DOLE banana plantation sa Sitio Cabalawan at Sitio Ibo, na sakop ng Barangay Anahaw Daan, sa lalawigan ng Surigao del Sur kaninang madaling-araw, Hunyo 27.
Sinabi ni Chief Insp. Dominador Plaza, hepe ng Tago Municipal Police Station, na nagsimula pamumutol dakong 5:00 ng madaling-araw at tumagal ng dalawang oras sa mga puno ng saging sa San Vista Farm at Lozada Farm sa Sitio Cabalawan pati na sa Mamalata Farm ng Sitio Ibo na kagagawan ng 50 armadong miyembro ng NPA na nasa ilalim ng mga lider na alyas Adel at alyas Akira.
Umabot sa 23,562 mga puno ng saging ang naitumba ng mga suspek kabilang ang may 10 mga amasonang armado ng AK-47 rifles at anim na 60 kalibre machine gun.
Ayon sa opisyal, ito ang pinakamalaking pag-atake na ginawa ng makakaliwang grupo na mabilis na tumakas nang magresponde ang militar.
Sa ngayon, inalam pa ng pulisya ang kabuuang iniwang danyos sa nasabing pangyayari.
Patuloy ang paglalatag ng hot pursuit operations laban sa mga rebelde para panagutin sa krimen.
The post Banana plantations sa Surigao del Sur, tinumba ng NPA appeared first on Remate.