MALUBHA ang isang 25-anyos na lalaki matapos itong pagbabatuhin at saksakin ng basag na bote kaninang madaling-araw sa Malabon City.
Nakaratay at inoobserbahan sa Tondo Medical Center (TMC) ang biktimang si Andrew Pacheco, 25, walang trabaho, ng # 313 C. Arellano St., Brgy. Flores ng nasabing lungsod sanhi ng saksak ng basag na bote sa tiyan at likod.
Pinaghahanap naman ang dalawang hindi nakilalang suspek na mabilis tumakas matapos ang insidente.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Jun Belbes, dakong 12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa eskinita ng Sulucan St., Brgy. Hulong Duhat ng nasabing lungsod.
Kasama ng isang Glen, naglalakad ang biktima nang pagsabihan ang mga ito ng dalawang suspek na “Nandito na naman kayo, maya-maya niyan may mawawalan na naman dito”.
Hindi naman ito pinansin ng biktima at nagpatuloy lamang sa paglalakad subalit pagbalik ay pinaulanan na sila ng mga bote ng alak at isa sa mga suspek ang dumampot ng basag na bote at sinaksak si Pacheco na tinamaan sa tiyan at likod.
Matapos nito ay mabilis na tumakas ang mga suspek habang nakahingi ng tulong ang biktima upang madala siya sa nasabing pagamutan.
Nabatid na sa loob lamang ng isang linggo ay maraming nawalang bisikleta at mga panabong na manok sa nasabing lugar dahilan upang pagdudahan ang biktima dahil naglalakad ito sa lugar ng alanganin sa oras na hindi naman siya nakatira doon.
The post Pinaghinalaang kawatan, malubha sa basag na bote appeared first on Remate.