TODAS ang isang pusakal habang sugatan naman ang isang pulis matapos makipagbarilan ang una sa huli nang respondehan dahil sa walang habas na pagpapaputok nito kaninang madaling-araw, June 25, sa Brgy. Tonsuya, Malabon City.
Dead-on-the-spot ang siga na kinilalang si Ceferino Sanoy, Jr., 24, ng #216 Luphai Gozon Complex, Brgy. Tonsuya ng nasabing lungsod sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .9mm sa ulo at katawan.
Kasalukuyang inoobserbahan naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) si PO3 Raul Salazar, Block Commander ng Police Community Precint (PCP-8) na tinamaan ng bala ng sumpak sa kaliwang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon nina SPO1 Edsel Dela Paz at PO3 Jun Belbes, dakong 2:05 ng madaling-araw nang maganap ang barilan sa kahabaan ng P. Aquino Avenue ng nasabing barangay.
Nauna dito, isang tawag ang natanggap ng PCP-8 tungkol sa suspek na nagpapaputok ng baril sa nasabing lugar dahilan upang agad na rumesponde sina Salazar at dalawa nitong tauhan.
Hindi pa man nakakalapit ang mga awtoridad sa nagwawalang si Sanoy ay agad itong nagpaputok ng sumpak na tumama kay Salazar.
Dito na gumanti ng putok ang mga awtoridad na ikinamatay ng suspek.
Nabatid na sa tuwing malalasing si Sanoy ay dala nito ang kanyang sumpak na walang habas na pinapaputok para manakot ng kanyang mga kalugar.
The post Senglot pumalag sa pulis, todas appeared first on Remate.