MARIING iginiit ng mga residente ng Quezon City kay QC Mayor Herbert Bautista na ipatupad ang batas sa pagbabawal sa paggamit ng mga plastic sa lungsod.
Anila, noong Disyembre ng nakalipas na taon, nagsimulang ipatupad ang naturang batas pero hanggang sa kasalukuyan ay ginagamit pa rin ang plastic ng malalaking mall sa QC na isang paglabag sa naturang batas.
Ikinatwiran ng mga ito na dapat sana ay papel na lalagyan na lamang ang ginagamit sa mga mall sa lungsod pero hanggang ngayon ay plastic ang naipapambalot sa mga paninda sa mga supermarket at department stores at malls na hindi sumusuporta sa kampanya ng lungsod para labanan ang pagkalat ng mga plastic dito.
Dahil sa patuloy na pagtangkilik sa plastic bags ng mga malls sa QC, tumatabo pa ang malls ng milyon-milyong halaga ng salapi sa kada buwan na operasyon ng mga ito dahil sa halip na libre ay naibebenta na ang mga plastic bag sa halagang P2.00 kada isa.
Binigyang diin pa ng mga residente na dapat disiplinahin at kastiguhin ang mall owners sa paggamit ng plastic bags dahil sa di pagtulong na maglaho ang mga plastic sa lungsod na siyang ugat ng pagbaha .