LABING-APAT na taong pagkabilanggo ang naghihintay sa mga employers na hindi ipinagre-remit ng konstribusyon ang kanilang mga empleyado sa Social Security System (SSS).
Ito’y kapag maisabatas ang House Bill 4405 na inihain nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate na ang layunin ay matulungan ang empleyado laban sa mga mapagsamantalang employer.
“Millions of employees are the most affected by this fraud, the government should ensure to protect the rights of the workers who were regularly deducted their SSS contributions but are being denied their benefits and privileges because of their employers’ failure to remit their contributions,” giit pa ni Colmenares.
Batay sa nasabing panukala, multang P25,000 at dagdag na P20,000 sa bawat P10,000 halaga ng SSS contribution na bigong mai-remit at pagkakabilanggo na hindi kukulang sa walong taon at hindi naman lalagpas sa 14 na taon.
Sinabi ni Colmenares na nakakaalarma na aniya ang may 164,111 na mga manggagawa na apektado ng non-remittance sa SSS contribution na aabot sa P94 bilyon.
Nagsampa na rin aniya ng kaso ang SSS sa 1,400 na delinkwenteng kompanya noong 2012 sa iba’t ibang paglabag na nagawa ng mga ito.
Pinuna rin ni Colmenares ang aniya’y mababang pension na natatanggap ng mga pensioners na aabot lamang sa P1,200 kada buwan na hindi sapat para sa araw-araw na gastos.
The post Employer na ‘di magre-remit sa SSS, 14 na taong kulong appeared first on Remate.