MAKASASAGUPA sa Fiba World Cup ng ating national team Gilas ang koponan ng Argentina na kinabibilangan ni NBA star Manu Ginobili.
At isa sa nahihinuhang magaganap dito ay ang pasiklaban ng mga gunner na pawang mga left-handed o kaliwete na sina Jeff Chan (Gilas) at Ginobili.
Sinabi ni Chan na isa si San Antonio Spurs superstar Manu Ginobili na katulad niyang kaliwete at isang shooter sa mga ini-idolo niya sa NBA.
“Maganda ‘yun, excited na ako makalaban siya (Ginobili). Isa sa mga idols ko ‘yun, eh, kaliwete pa ‘yun,” ani Chan na may pagkasabik.
“Pero hirap gayahin (istilo ni Ginobili), eh, tina-try ko pero ‘di ko kaya.”
Natutuwa rin si Gilas coach Chot Reyes na maglalaro rin para sa Argentina ang beteranong si Ginobili.
“That’s great for us,” wika ni Reyes. “At least ‘pag tinalo natin sila (Argentina), hindi nila pwedeng sabihin na dahil wala si Manu Ginobili.”
Pormal nang inihayag ni Ginobili na kabilang siya sa mga manlalarong sasabak sa Fiba sa Spain para sa koponan ng Argentina matapos madaig ang Miami Heat at magkampeon sa 2014 NBA season.
Ani former FEU stalwart Jeff Chan, sabik na siyang makalaban ang beterano ng Spurs kung saan ka-bracket nila ang mga koponan ng Croatia, Greece, Puerto Rico, Senegal at ang Argentina na koponan ni Ginobili kasama si Indiana center Luis Scola.
“Sana ma-match up ko siya, at babantayan ko talaga ‘yun. Excited lang ako, kasi nung una, iniisip ko baka ‘di siya maglaro kasi ‘yung age niya nga. Pero happy ako na maglalaro siya,” saad ni Chan.
Samantala, kung makalulusot man ang Gilas sa bracket nila ay may naghihintay pa ring malalakas na koponan na team USA at Spain na kinabibilangan ng mahuhusay na NBA player.
Nasa bracket A ang magkapatid na sina Pau at Marc Gasol, kung saan makakaharap nila ang mala-higanteng mga manlalaro ng team Iran.
Mananalasa naman sa bracket C ang Team USA na kinabibilangan nina Thunder superstar Russell Westbrook at Kevin Durant, kasama pa si 2014 Finals MVP Kawhi Leonard at iba pang NBA pros.
Magbubukas ang Fiba-World Cup sa katapusan ng Agosto (31) hanggang Setyembre 14, 2014.
Hinati sa apat na bracket na may tig-aanim na koponan ang mga lumahok na bansa.
The post Chan, pupulbusin lang ni Ginobili sa Fiba appeared first on Remate.