SUSUKO si Technology Resource Center Director General-on leave Dennis Cunanan sa Sandiganbayan at maglalagak ng piyansa kaugnay ng kinakaharap niyang kasong graft sa pork barrel scam.
Nakipagpulong kahapon si Cunanan kay Justice Secretary Leila de Lima.
Ipinaliwanag ni De Lima na dahil hindi naman plunder ang kaso laban kay Cunanan at graft lamang ay maari itong makapagpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Hindi na raw hihintayin ni Cunanan na maisilbi sa kanya ang warrant of arrest dahil ngayong araw din mismo ay magtutungo ang opisyal sa Sandiganbayan.
Sinabi pa ni De Lima na nananatili pa rin si Cunanan sa provisional coverage ng Witness Protection Program, bagama’t ibinasura na ng Ombudsman ang hiling niyang immunity sa criminal prosecution kaugnay sa PDAF scam.
Paliwanag ng kalihim, hihintayin muna nila ang magiging desisyon ng Ombudsman sa inihaing motion for reconsideration ni Cunanan kaugnay ng hiling niya na mabigyan ng immunity bago nila aksyonan kung tuluyan na itong aalisin sa provisional coverage ng WPP.
The post Cunanan, susuko sa Sandigan sa kasong graft appeared first on Remate.