IPINABIBIT ng mall security personnel sa pulisya ang kanilang dalawang security guard kaugnay sa pananapak sa isang jeepney driver at kasama nito sa Quezon City kaninang umaga, Hunyo 20.
Dinala sa Eastwood police station sa Libis, Q.C. para sa kaukulang interogasyon ang dalawang suspek na kapwa guwardiya ng Robinson Galleria sa Ortigas Avenue, Q.C.
Ayon sa reklamo ng jeepney driver na nakilala lamang sa alyas “Boy Astig” at ang barker nitong si Pablo, sumakay ang mga suspek sa kanilang jeep na may rutang Rosario-San Juan at pumara sa tapat ng nasabing mall.
Pero dahil hindi pa nagbabayad ng pasahe, sinita ng mga biktima ang kanilang dalawang pasahero.
Pero imbes mangatwiran, nagpakilalang mga pulis ang dalawa saka sinapak ang driver at kasamahan nito bago tumakbo papasok ng Robinson’s Galleria.
Nagsumbong naman agad ang mga biktima sa mga pulis na nakaditine sa mall pero hinarang sila ng ibang security personnel na dahilan upang magkaroon ng tensyon sa labas ng mall.
Napilitan namang isuko ng mall security ang kanilang dalawang tauhan nang dumating ang mga tauhan ng Special Weapons and Armed Tactics (SWAT).
The post 2 sekyu tiklo sa pananapak ng tsuper appeared first on Remate.