KINONDENA ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang inilabas na insurance ad ng Hongkong na ginawang katawa-tawa ang domestic helper.
Ayon kay DFA Spokesman Charles Jose, ipinapakita sa patalastas ang isang kunwaring Pinay maid na si Maria na tila mali-mali, dahilan para bigyan ito ng insurance ng kanyang amo.
Isang artistang Chinese na lalaki na nilagyan ng maitim na make-up at pinagsuot ng kulot na wig ang gumanap sa karakter ng nasabing kasambahay.
Sinabi ni Jose na nakakadismaya ang nasabing advertisement na aniya’y hindi napag-aralang mabuti.
Binigyang-diin ni Jose na marangal na trabaho ang pagiging domestic helper at nakakadagdag ito sa pag-angat ng ekonomiya ng Hongkong.
Umani ng batikos sa social networking sites ang nasabing ad na naglalayon sanang isulong na mabigyan ng insurance ng may 300,000 household workers sa Hongkong na karamihan ay Pilipino at Indonesian.
Magugunitang noong nakalipas na linggo ay lumabas naman ang textbook sa Hongkong na nagtuturo na pagiging domestic helper ang tadhana ng mga Pilipinong nasa kanilang bansa.
The post Insurance ad ng Hongkong, kinondena ng DFA appeared first on Remate.