IPINAG-UTOS na ng korte ang pag-freeze sa mga bank accounts ni Atty. Jessica “Gigi” Reyes at 10 iba pang indibidwal at isang insurance na pinaniniwalaang may kinalaman sa PDAF scam.
Kabilang sa mga accounts ni Reyes na pinapa-freeze ay East West Bank (P511,522.40) at sa Security Bank (P6,700.92).
Ito’y matapos mag-isyu si Manila RTC Executive Judge Marino dela Cruz ng 20-day provisional asset preservation order (PAPO) laban sa accounts ni Reyes.
Si Reyes ay dating staff ni Senador Juan Ponce Enrilena nahaharap sa kasong plunder sa Sandiganbayan, matapos akusahang tumanggap ng kickbacks para ipasilidad ang paglilipat ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) allocations ni Enrile sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) ni Janet Lim-Napoles.
Sakop rin naman ng PAPO ang mga bank accounts nina dating Benguet Representative Samuel Dangwa (P26.77 million-Land Bank), Pauline Labayen, former staff ni Senator Jinggoy Estrada, Alfonso Garcia Napoles, Adelina Garcia Napoles, Jose Emmanuel Lim, Pedro Dumon Sepuldeva, Jr., Florentina Seachon Sepuldeva, Catherine Mae Santos, Kristina Santos at Washington Plaza.
Ipina-freeze din ang accounts ng First Integrated Bonding and Insurance Company, Inc., sa United Coconut Planters Bank (UCPB) dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa Pangkabuhayan Foundation, Inc. (PFI), na isang NGO na kontrolado ni Napoles.
Una nang nagpalabas ng freeze order ang hukuman sa ilang asset ni Napoles.
Nabatid na ang petition for asset freeze ay inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), na siyang humahawak sa forfeiture case laban kay Napoles at iba pang isinasangkot sa scam.
The post Bank accounts ni Gigi Reyes pinapi-freeze appeared first on Remate.