MARAMING pasahero sa ilang bahagi ng Metro Manila ang naperwisyo kaninang umaga, Hunyo 19, dahil sa protest caravan na inilatag ng mga tansport groups kontra sa mataas na multa sa mga kolorum na sasakyan.
Nagsimula ng alas-6 ng umaga ang protesta ng Stop and Go Coalition sa Quezon City Memorial Circle. Hinihiling ng grupo na magkaroon ng moratorium o huwag munang ipatupad ang Joint Administrative Order ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na nagpapataw ng mataas na multa sa mga may-ari ng kolorum na pampasaherong sasakyan.
Bilang bahagi ng protesta, nagtigil-pasada ang maraming tsuper ng pampasaherong dyipni at UV Express van na may mga ruta sa buong Kamaynilaan.
Nagdulot ang protesta ng sobrang pagsikip na daloy ng trapiko sa mga kalsada malapit sa Quezon City circle.
Samantala, nagpakalat naman ang Metropolitan Manila Development Authority ng mga trak upang tulungan ang mga naapektuhang mga pasahero.
The post Daan-daang pasahero naperwisyo sa tigil-pasada appeared first on Remate.