SAPAT ang suplay ng tubig sa mga dam para tugunan ang pangangailangan sa patubig ng mga sakahan sa mga produktong agrikultural ng mga magsasaka.
Tiniyak ito kanina, Hunyo 19, 2014, Huwebes ng National Irrigation Authority (NIA) sa kabila ng ulat ng kakapusan ng suplay ng tubig sa mga irigasyon ng mga sakahan sa iba’t ibang lugar ng bansa sa kabila ng pagdating ng tag-ulan.
Ayon kay NIA Administrator Engr.Claro Maranan, halos 80% ng mga proyekto para sa patubig sa iba’t ibang dam sa bansa para sa mga lupaing agrikultura ay napakikinabangan na ng mga magsasaka para sa kanilang mga pananim.
Sinabi pa ni Maranan na aabot sa 1.6 milyon ektaryang lupang sakahan ang nasusuplayan ng tubig ng mga irigasyon sa mga proyekto ng ahensya.
Nabatid pa sa NIA na kabilang sa mga dam na pangunahing pinakikinabangan ng mga magsasaka sa kanilang sakahan ang Pantabangan, Magat, Ambuklao at Ipo dam.
Ayon pa sa naturang opisyal, kung mapauunlad ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa larangan ng agrikultura, matitiyak ang sapat ng suplay ng pagkain sa bansa.
Sinabi pa ni Maranan na ang climate change ang pangunahing suliranin na kinakaharap ngayon ng ahensya dahil sa pagbabago ng klima, naaapektuhan maging ang suplay ng tubig sa mga dam.
Ang mga irigasyon pa rin ang pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig ng mga magsasaka para paunlarin ang industriya ng agrikultura sa mga sakahan.
The post Suplay ng tubig sa mga dam sapat appeared first on Remate.