MAY namataang bahagyang pamamaga sa dalisdis at pagbuga ng usok ang Bulkang Mayon sa Albay.
Sa pinakahuling ground deformation survey sa bulkan, iniulat ng Phivolcs na nasa 5.41 mm ang naitalang pamamaga sa Buang leveling line sa Tabaco City habang nasa 1.16 mm naman sa Lidong leveling line sa Santo Domingo, Albay.
Nagkaroon din ng 100-metrong emission ng white steam plume o puting usok na lumabas sa bibig ng Mayon.
Sa panayam kay Phivolcs Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division specialist Edwin Villacorte, sinabi nitong mababa lamang ang usok na ibinuga ng bulkan at kinumpirma rin nito ang bahagyang (slight) ground deformation o pamamaga.
Paglilinaw ni Villacorte, tanda lamang ng bahagyang pamamaga na malalim pa ang magma.
Sa nakalipas na 24-oras, wala namang naitalang volcanic earthquake at walang crater glow o banaag sa bibig ng bulkan.
Normal pa rin ani Villacorte ang ibinugang asupre o sulfur dioxide ng bulkan na 171 tonnes kada araw.
Nananatili pa rin sa alert level 1 ang estado ng Mayon mula nang itaas ito noong Mayo 2013 matapos magkaroon ng phreatic ash explosion.
Ayon sa Phivolcs, malayong itaas pa ang alerto sa bulkan lalo’t wala namang pagbabago sa ilan pang parametrong mino-monitor nila gaya ng volcanic quakes at ibinubugang asupre na sa ngayon ay nasa normal level pa naman.
Bagama’t maituturing na abnormal ang kondisyon ng bulkan, wala pa ring natatayang nalalapit na pagputok.
Sa kabila nito, inaabisuhan pa rin ang publiko na iwasan ang anomang aktibidad sa 6-kilometrong permanent danger zone (PDZ) sa paligid ng bulkan.
The post Mayon may pamamaga sa dalisdis appeared first on Remate.