BUNSOD ng sunud-sunod na malalakas na pag-ulan sa bansa, pormal nang binawi ng Archdiocese of Manila ang inisyu nitong Oratio Imperata o mandatory prayer para humiling ng ulan.
Sa pamamagitan ng Circular 2014-25 para sa mga clergy, superiors of religious communities at pinuno ng mga secular institutes, nagpasalamat si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa Panginoon dahil sa pag-aanunsyo ng PAGASA na sumapit na ang panahon ng tag-ulan sa bansa, at tanda nito ay ang mga pag-ulan hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Tagle,, magandang senyales ito dahil nasagot na ang panalangin ng mga Pinoy at tapos na rin ang krisis sa tubig na nararanasan ng bansa.
Sa kabila naman nito, umaapela si Tagle sa mga mananampalataya na patuloy na manalangin sa Panginoon na bigyan tayo ng magandang panahon, sapat na tubig para sa mga bukirin at mga reservoirs, kalmadong mga sama ng panahon, at kaligtasan mula sa mapanirang baha at hangin.
“This we ask even as we commit ourselves to the care of the environment and to a more responsible attitude and behavior on the use of our natural resources,” aniya pa.
Mayo 18 nang mag-isyu ang Archdiocese of Manila ng Oratio Imperata para humingi ng ulan bunsod na rin ng labis na init at kakulangan sa tubig na nararanasan sa bansa.
The post Mandatory prayer sa ulan, binawi na appeared first on Remate.