SA ilalim ng isang burol na may lalim na 20 talampakan, natagpuan kaninang umaga, Hunyo 16 ang bangkay ng isang dalagitang may apat na araw nang nawawala sa Sarangani.
Hinihintay pa ng awtoridad ang resulta ng awtopsiya bago ideklara kung ginahasa saka pinatay ang biktima na nakilalang si Darlene Jane, 14, ng Malandag sa bayan ng Malungon, Sarangani.
Sa unang pagsisiyasat, lumabas na ginahasa ang biktima saka pinatay dahil wala itong saplot nang matagpuan at ang underwear nito ay kasama rin na nakita sa ilalim ng lupa.
Teorya pa ng pulisya na kakilala ng biktima ang rapist kaya para maikubli ang krimen ay pinatay siya.
Sa ulat, nadiskubre ang bangkay dakong 7 ng umaga sa isang butas sa burol na may lalim na 20 talampakan, isang kilometro ang layo mula sa bahay ng biktima.
Ayon sa tatay ng biktima na si Darwin, bago makita ang bangkay ay inutusan niya ang kanyang anak noong Hunyo 12 para bumili sa tindahan ng noodles na kanilang ihahapunan.
Pero simula noon, hindi na nakabalik sa kanilang bahay ang kanyang anak na agad nilang pinaghahanap pero nabigong makita.
Ngunit kaninang umaga, sinabi ni Purok Chairperson ng Lamcanal, Malandag na si Alejandro Masaglad, may isang asong kinakahulan ang isang butas sa burol.
Kinutuban, pinasok ng mga pulis, miyembro ng SOCO at bumbero ang nasabing butas sa kabila ng malakas na buhos ng ulan.
Unang naiahon sa hukay ay ang dalawang noodles, pares ng tsinelas, shorts at underwear ng babae.
Maya-maya lamang, naiangat na ang bangkay mula sa butas at nag-iyakan na lang ang lahat ng mga kamag-anak nang makita na ang bangkay ng kanilang mahal sa buhay.
Dalawa ang posibleng suspek na kabisado ang lugar at lumalabas ding planado ang krimen.
The post Dalagitang 4 araw nang nawawala bangkay nang natagpuan appeared first on Remate.